You are here:: Publication Pastol Mga homeowners na kayo– Noli de Castro
 
 

Mga homeowners na kayo– Noli de Castro

E-mail Print PDF

“Mga home owners na kayo.”

Ito ang mariing binanggit ni  Vice President Noli De Castro,  Chairman of the Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) nang  igawad nito ang sertipiko sa mahigit kumulang 141 mamamayan ng Barangay Calumpang, Lungsod ng Heneral Santos sa ginawang Awarding of Certificates of Lot Allocation (ACLA) under the Community Mortage Program (CMP) sa himnasyo ng Barangay Calumpang, Lungsod ng Heneral Santos, Agosto 28, 2009.



Biniigyang-diin din ng bise-presidente ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bahay kaya tinawag niyang mga home owners na ang mga ginawaran ng sertipiko gayundin ang pagpapanatili ng kaayusan ng komunidad maging ang kahalagahan ng pagtutulungan dito tungo sa pag-unlad.

“Hindi ninyo iyan hiningi kundi babayaran. Binigyan lamang kayo ng pagkakataong magmay-ari.” dagdag pa ni  De Castro. 

Ipinaliwanag pa ni De Castro na ang programa ng pamahalaan na pabahay ay para sa lahat kaya dapat lamang na bayaran ng residente ang lupa para makabili ulit ang pamahalaan ng iba pang lupa at maibigay din naman sa iba pang nagangailangan.

Naglalayon ang programang ito na matugunan ang kakulangan sa pabahay lalo  na rito sa Lungsod ng Heneral Santos, partikular na sa Barangay Calumpang dulot ng mabilis na paglaki ng populasyon at kakaunting pagkakataong magmay-ari ng sariling bahay at lupa ang isang residente.

Naisakatuparan ang nasabing paggawad ng sertipiko sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga opisyales ng Mendoza Alliance Village sa pangunguna ng kanilang pangulong si G. Reynaldo Salubre, Brgy. Councilor ng barangay Calumpang, Lungsod ng Heneral Santos.

“Ito ang kauna-unahang paggawad ng sertipiko na nangyari dito sa Barangay Calumpang na mismong ang Vice President at Chairman ng HUDCC Noli De Castro ang namigay sa mga land owners,” dagdag pa ni Salubre.

Matatagpuan sa Purok Estrella, Barangay Calumpang ang mga lupang ipinagkaloob sa mga residente.

Samantala, dumalo rin sa nasabing palatuntunan sina Darlene Antonino Custodio, 1st District Representative ng South Cotabato, Atty. Fermino Arzaga, President of National  Social Housing Corporation, G. Cerilo Forones, Brgy. Kapitan ng Calumpang at Reynaldo Salumbre, Brgy. Councilor ng nasabing barangay.